Hindi totoo ang kumakalat na balitang bibitayin na si Mary Jane Veloso pagkatapos ng Ramadan.
Ayon kay Atty. Edre Olalia abogado ni Mary Jane at kinatawan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), napagkasunduan nila ng Indonesia na hindi gagalawin si Veloso hangga’t wala pang resulta ang imbestigasyon sa recruiter nito na si Christina Sergio.
Sinabi ni Olalia na maaaring bahagi lamang ng mga agam-agam ng Migrante ang nasabing balita.
Karaniwan daw kasi aniya sa Indonesia ay nag-ischedule ng pagbitay pagkatapos ng mahal na araw gaya ng Ramadan.
“Ang sabi ng Migrante ay ang sinabi lang naman nila ay nangangamba sila na kung hindi magkakaroon ng kagyat na pagkilos ang ating pamahalaan tulad ng nakaraang 5 taon, baka naman matuloy na naman, ganun lang ka-simple.” Paliwanag ni Olalia.
Samantala, ikinatuwa ni Olalia ang positive development sa kaso laban sa mga illegal recruiter ni Veloso, kung magtutuloy-tuloy aniya ito ay maaari nang umapela para mabigyan ng clemency si Veloso
“Pero dahil nga meron na tayong pinanghahawakan at panghahawakan etong mga susunod na araw na mga konkreto ay hindi na lang alegasyon, hindi na lang testimonya, kundi pasya na, so mas matibay ‘yan.” Dagdag ni Olalia.
By Mariboy Ysibido | Rianne Briones | Ratsada Balita