Itinuring paring raw information ng Malakanyang ang ulat na tumakas na ng Marawi City ang emir ng ISIS sa Asya na si Isnilon Hapilon.
Ito ay ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella dahil wala pang natatanggap na kumpirmasyon si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa AFP o Armed Forces of the Philippines kaugnay ng tunay na kinaroroonan ni Hapilon.
Aniya, patuloy pa ang pagkalap ng impormasyon ng mga tauhan ng AFP na nasa Marawi City.
Iginiit pa ni Abella na sakaling may katotohanan ang nasabing ulat ay malinaw na isang uri ito ng karuwagan.
Una nang iniulat ng AFP na posibleng tumakas na si Hapilon palabas ng Marawi City dahil wala nang naririnig ukol dito.
Imbestigasyon sa umano’y gun store sa Marawi ni Hapilon nagpapatuloy
Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP o Philippine National Police sa ulat na isang gun store sa Marawi City ang pag-aari umano ng isa sa mga tauhan ni Isnilon Hapilon.
Paglilinaw ni Senior Superintendent Valeriano De Leon, hepe ng PNP Firearms and Explosives Office, walang pag-aaring gun stores sa Mindanao si Hapilon.
Pero, aniya, posibleng ipangalan ito ng Abu Sayyaf Leader sa kanyang mga tauhan.
Ayon kay De Leon, batay sa kanilang nakuhang impormasyon, nakapangalan sa isang barangay captain na konektado umano kay Hapilon ang nasabing gun store sa Marawi City.
Hindi pa rin matiyak ng PNP kung buo pa ang nasabing tindahan ng mga baril sa lungsod o ni-ransack na ng mga terorista.
By Krista De Dios | With Report from Aileen Taliping / Jonathan Andal