Ikinalugod ng Malakanyang ang ipinalabas na report ng World Bank kung saan inaasahang bababa ng mahigit 20% ang antas ng kahirapan sa bansa simula sa susunod na taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nangangahulugan aniya itong tama ang tinatahak ng economic team ng Malakanyang at nararamdaman na ang pangakong pagbabago ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Panelo, isang magandang balita ang nabanggit na report ng World Bank na mas makakahikayat pa sa mga opisyal ng pamahalaan para doblehin ang mga isinasagawang pagsisikap.
Ito ay upang makamit aniya ang target ng administrasyong Duterte na maibaba sa 14.0% ang poverty rate sa pagtatapos ng termino ng pangulo.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Panelo ang economic team ng pamahalaan sa magandang performance sa nakalipas na mga taon.
Batay sa pagtaya ng world bank, bababa sa 20.8% ang antas ng kahirapan ngayong taon, 19.8% sa susunod na taon at 18.7% sa 2021 —ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17).