Natanggap na ng Senado ang unang report ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga nagawang aksyon ng pamahalaan, batay sa mga isinasaad ng Bayanihan To Heal As One Act.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto lll, 12:40 ng madaling araw nang matanggap niya ang report ng Pangulo.
Sinabi ni Sotto na ipinadala na niya ang report sa congressional joint oversight committee na naatasang mag-review ng lingguhang ulat ng Pangulo.
Sa panig ng senado, ang mga miyembro ng komite ay sina Minority Leader Franklin Drilon, Senators Pia Cayetano, Bong Go at Panfilo Lacson.
Sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act, inaatasan ang Pangulo na magsumite ng report sa kongreso tuwing Lunes kung paano ipinatupad ang mga probisyon ng batas na nagbigy ng mas malawak na kapangyarihan sa Pangulo para tugunan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.