Tatlo (3) sa labing apat (14) na pagkamatay na iniuugnay sa dengvaxia vaccine ang kumpirmadong dahil sa dengue.
Batay ito sa resulta ng pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto mula sa Philippine General Hospital o PGH.
Sa presentation na ginawa ni Dr. Juliet Sio Aguilar ng PGH Pediatrics, dalawa sa tatlong (3) kumpirmadong dengue ang hinihinala nilang dahil sa kabiguan ng dengvaxia na maibigay ang proteksyon laban sa dengue.
Ang isa aniya ay pag-aaralan pa nila uli dahil may pagkakaiba ang kaso nito sa dalawang kaso ng dengue.
Sinabi ni Aguilar na ang labing isang (11) kaso ay nasawi sa iba’t ibang klase ng sakit tulad ng lupus, congenital heart disease at iba pa.
Nagkataon lamang anya na sila ay nabakunahan rin ng dengvaxia.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Dr. Juliet Sio Aguilar ng PGH Pediatrics
‘PAO vs. Sanofi’
Kasado na ang kasong sibil at administratibo na isasampa ng Public Attorney’s Office o PAO laban sa Sanofi Pasteur, ang kumpanyang gumawa ng dengvaxia vaccine at ilan pang personalidad na nasa likod ng dengue immunization program ng nagdaang administrasyon.
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, maghahain muna sila ng kasong sibil para sa pagkamatay ng bawat batang nabakunahan ng dengvaxia na inilapit sa kanila.
Nakatakda rin anya silang maghain ng reckless imprudence resulting in homicide at hiwalay na administrative case sa Professional Regulation Commission.
Tatlo at kalahating milyong pisong danyos sa bawat biktima ng dengvaxia ang hihingin ng PAO bilang bahagi ng ihahain nilang kasong sibil.
Sa ngayon, nasa labing apat (14) na ang naisailalim sa awtopsiya ng PAO Forensic Department.
Ayon kay Dr. Erwin Efre, bagamat typhoid fever ang sinasabing sanhi ng pagkamatay ng ika labing apat (14) na biktima ang mga nakita nila sa awtopsiya ay parehong pareho sa mga naunang biktima na namatay sa dengue tulad ng pagdurugo ng utak, heart wall at baga.
—-