Pinaiimbestigahan sa senado ni Sen. Risa Hontiveros ang human trafficking na nangyayari sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Batay sa kaniyang Senate Resolution Number 631, pinabubusisi ni Hontiveros ang report ukol sa mga Filipina na ni-recruit para magtrabaho bilang domestic helper sa United Arab Emirates ngunit binebenta sa Syria.
Ani Hontiveros, kahit pa napapauwi na ng gobyerno ang mga biktima mula sa Syria, mahalaga pa rin aniya na malaman ang supply chain ng pag-abuso.
Higit aniyang dapat na mapatunayan kung mayroon nga bang kinalaman ang mga nabunyag na pastillas scheme o suhulan sa Bureau of Immigration.
Batay sa report, sinasabing may ilang Pilipina na na-recruit para magtrabaho sa Dubai pero ikinulong sa isang madilim at maruming dormitoryo roon hanggang mag-expire ang tourist visa.