Sumampa na sa halos 40 ang bilang ng mga nasawi dahil sa hagupit ng Bagyong Ulysses sa bansa.
Ito ay batay sa tala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan, nasa 39 na labi ang kanilang narekober mula sa search, rescue at retrieval operations ng pamahalaan.
Sa naturang bilang, walo ang narekober ng AFP sa Bicol, CALABARZON at Zambales.
Tatlo naman ang narekober ng Bureau of Fire Protection (BFP) mula sa Dasmariñas, Cavite, isa sa Bicol, at isa sa Ifugao, Benguet.
Nasa 26 naman ang narekober ng pulisya mula sa anim na rehiyon, kabilang na ang Metro Manila.
Nananatili namang nawawala ang 22 katao, habang 40 ang injured, batay naman sa tala ng SRR cluster.
Gayunman, ani AFP chief General Gilbert Gapay, kinakailangan pang maberipika ng Department of the Interior and Local Government ang mga naturang datos.
Samantala, sa press briefing naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi nito na 14 lamang ang death toll na beripikado na ng mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Roque, nagkakaiba-iba lamang ang mga naturang bilang depende sa kumpirmasyon ng kani-kaniyang local government.