Umakyat na sa 505 ang bilang ng mga convicts na balik- rehas matapos mapalaya dahil sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Sinabi ni Justice Undersecretary and Spokesperson Mark Parete, na limang araw bago matapos ang 15 days deadline na ibinigay ni Pang. Rodrigo Duterte ay nasa kustodiya na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga akusadong ito na napalaya dahil sa kwestyunableng batas.
Kabilang ang 505 convicts sa halos 2,000 bilanggo na nakagawa o napatunayang sangkot sa karumal-dumal na krimen o heinous crimes.
Kaugnay nito, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Guillermo Eleazar na base sa kanilang rekord, naninirahan sa Metro Manila ang 202 sa 1,914 na mga napalayang bilanggo.
Pahayag ni Eleazar, alam na ng NCRPO ang address ng 202 convicts at patuloy aniya ang isinasagawang operasyon ng iba’t-ibang police stations sa buong Kamaynilaan upang muling maibalik sa piitan ang mga ito.
Tinatayang nasa 37 convicts na aniya ang sumusuko na agad umano nilang itinurn-over sa BuCor.
Matatandaang, una nang inihayag ng pambansang pulisya, na ituturing nang fugitive o pugante ang mga napalayang convicts na hind susuko matapos ang deadline na ibinigay ni Pang. Duterte.