Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kumikilos ang mga kinauukulang yunit ng Pulisya para siguruhing naihahatid sa kanilang mga tauhan sa tamang oras ang mga kagamitang kinakailangan ng mga ito.
Iyan ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar matapos na lumabas sa audit report ng Commission on Audit (COA) na hindi tugma ang datos ng kanilang mga Police Regional Office sa National Headquarters hinggil sa mga deliveries ng mga kagamitan para sa mga Pulis
Dahil dito, inatasan na ni Eleazar ang kanilang Directorate for Logistics, Directorate for Comptrollership at ang PNP Accounting Division para imbestigahan ang usapin
Kabilang sa mga Police Regional Offices na tinukoy sa COA report na hindi tugma ang datos sa Punong Tanggapan ng PNP ay ang Ilocos region, Central Luzon, Calabarzon, Miraropa, Bicol region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Cordillera Administrative Region at Bangsamoro Autonomous Region.
Binigyang diin pa ng PNP Chief na kailangang maitama ang anumang pagkakamali sa kanilang datos upang masiguro sa pamahalaan at taumbayan na walang iregularidad sa pamamahagi ng kanilang mga armas at kagamitan
Pagtitiyak pa ni Eleazar sa COA, transparent ang PNP sa bidding, pagbili at pamamahagi ng kanilang kagamitan sabay giit na ang lahat ng mga ito ay accounted for at naideliver naman sa tamang oras. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)