Nais paimbestigahan ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang isinagawang Automated National Elections noong 2016.
Ito’y makaraang may makuha umano siyang mga dokumento na nagbibigay duda sa integridad ng nasabing halalan.
Ayon sa kay Sotto, isa sa nakita sa dokumento ay ang isinagawang dry run ng early transmission activity ng Smartmatic isang araw bago ang mismong araw ng halalan.
Duda rin ang senador sa naging resulta ng botohan sa ilang lugar kung saan nakakuha umano ang ilang senador ng zero vote.
Giit pa ni Sotto, gagamitin muli ang Smartmatic sa nalalapit na 2019 elections kaya’t dapat ay malinawan ang lahat ng katanungan kaugnay sa nakaraang halalan.
Samantala, suportado ng ilang senador ang pagpapaimbestiga ni Senate Majority Leader Tito Sotto sa umano’y dayaan noong May 2016 national elections.
Ayon kay Senadora Grace Poe posible ngang may iregularidad sa naganap sa huling halalan gaya ng sinasabi ni Sotto.
Gayunman, nilinaw ni Poe na tanggap niya ang kaniyang pagkatalo noong siya ay tumakbo sa pagka-pangulo.
Giit pa ng senadora, malinaw na nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa napakalaking agwat ng botong nakuha nito kumpara sa iba pang mga nakalaban nito.
Ngunit sinabi ni Poe na kahit garantisado ang pagkapanalo ng Pangulo, ay hindi pa rin ito dapat maging batayan para masabing walang nangyaring dayaan sa ibang posisyon noong nakaraang halalan.
Agad ding sumuporta si Senador Juan Miguel Zubiri na imbestigahan ang nasabing eleksyon.
Sinabi ni Zubiri na hindi malabong nagkaroon ng manipulasyon sa resulta ng huling halalan at hindi ito dapat palagpasin upang hindi na maulit, lalo’t nalalapit na ang 2019 elections.
—-