Hindi ipagwawalang bahala ng pambansang pulisya ang anumang impormasyon hinggil sa banta sa seguridad.
Iyan ang tiniyak ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde kasunod na rin ng pagsisiwalat ni Manila Mayor Joseph Estrada na may natanggap siyang impormasyon hinggil sa bantang pag-atake ng Islamist group sa kasagsagan ng Traslacion ngayon.
Ayon kay Albayalde, bagama’t wala naman silang namomonitor na banta sa seguridad, maigi na rin aniyang maging handa.
Kumikilos naman aniya ang Intelligence Group ng PNP para bantayan ang sitwasyon upang agad na maabisuhan ang publiko sakaling mayruong mga pagkilos na ginagawa ang mga terrorista.
Bukas Enero 9, araw ng Traslacion, aabot sa humigit kumulang 7,000 pulis mula sa NCRPO, iba’t-ibang support units at maging sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipakakalat para magbantay.
Epektibo rin simula mamayang ika-walo ng gabi ang Liquor gayundin ang gun ban sa Lungsod ng Maynila bilang bahagi ng security measures.
Samantala, nanawagan naman si NCRPO Chief P/Dir. Guillermo Eleazar sa mga mananampalataya na sasama sa Traslacion na makipag ugnayan sa mga awtoridad kung may kahinahinalang tao sila na mapapansin sa kasagsagan ng okasyon.