Nabunyag sa Senado ang umano’y bayaran sa loob ng Bureau of Corrections BuCor kapalit ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) para mapaaga ang pagpapalaya sa isang bilanggo.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado kahapon, inihayag ng testigong kinilalang si Yolanda Camelon, isang common-law wife ng isang convict ang umano’y pagbabayad niya ng P10,000 sa ilang opisyal ng BuCor kapalit ng GCTA para makalaya na ang kaniyang asawang nakakulong sa Muntinlupa.
Pinangalanan ni Camelon si Senior Inspector Maribel “Mabel” Bansil na umano’y kausap niya para sa “GCTA for sale”
Si Bansil aniya ang nagpakilala sa kaniya ng kamag-anak nito na si staff Sergeant Ramoncito Roque na nakatalaga sa documents division ng BuCor at isa pang tauhan na si Veronica Bruno.
Nakilala rin umano ni Camelon sa gitna ng proseso ang administrative officer sa BuCor na Ruperto Traya Jr. na napatay noong August 27.
Kwento ni Camelon mula sa P50,000 ay naging P10,000 na lamang ang kaniyang ibiniyad kay Roque para mapalaya ang kaniyang asawa.
Inilagay umano niya ang pera sa isang envelope at ibinigay ito kay Roque nang magkita sila sa isang bulaluhan.
Dahil dito umasa umano si Camelon na makakalaya na ang kaniyang asawa gaya ng ipinangako ng grupo na sa Marso na ito makakalabas.
Ngunit umabot ng Agosto ay hindi aniya nakalaya ang kaniyang asawa kaya’t binawi na lamang umano ni Camelon ang P10,000 ibiniyad kay Roque.