Itinanggi ng Malakanyang na nakabuo na sila ng isang compromise deal sa pagitan ng pamilya Marcos kaugnay ng mga tagong yaman nito.
Kasunod ito ng kumalat online ng sinasabing kopya ng compromise agreement sa pagitan ng pamahalaan at pamilya Marcos na ipinost ng Education Advocate na si Gang Badoy Capati.
Batay sa ipinost ni Capati, ang dokumento ay naka – address sa Department of Justice (DOJ) kung saan iminumungkahi ang pagbibigay ng immunity sa pamilya Marcos at pagbuo ng isang legal team na susuri sa bubuoing compromise deal.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tanging kopya lamang ng draft proposal mula sa pamilya Marcos ang natanggap ng Malakanyang subali’t hindi pa ito inaaksyunan at wala pang nabuong kasunduan.
Inamin naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na natanggap na ng kanyang opisina ang proposal para sa isang compromise deal mula kay Attorney Oliver Lozano na kilalang Marcos loyalist.
Gayunman iginiit ni Panelo na bilang pagpapakita ng kortesiya kaya nila tinanggap ang sulat pero hindi pa ito inaaksyunan.