Binatikos ni Vice President Leni Robredo ang aniya’y fake news machinery na pinatatakbo ng kaniyang katunggaling si Dating Senador Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y makaraang ihayag ng kampo ni Marcos ang anito’y malaking bilang ng botong nabawas umano kay Robredo sa pagpapatuloy ng manual recount ng mga balota noong 2016 elections para sa pagka – pangalawang pangulo.
Magugunitang lumabas sa social media kamakailan na nabawasan ng humigit kumulang 21,000 boto si Robredo matapos ang apat na linggong pagbibilang mula sa 16 na bayan sa Camarines Sur.
Giit ni Robredo, may ilang pahayagan ang kumagat umano sa pain ni Marcos kaya’t ganoong kabilis na lamang aniyang kumalat ang fake news o maling balita laban sa kanya.