Magsasagawa ang Department of Information and Communications Technology ng sariling imbestigasyon sa umano’y hacking incident sa datos ng Commission on Elections.
Inatasan na ni Acting Secretary Emmanuel Rey Caintic ang Cybersecurity Bureau ng DICT na pangunahan ang imbestigasyon.
Batay ito sa January 10 report ng Manila Bulletin na na-access umano ng mga hacker ang COMELEC Servers at sinasabing ninakaw ang crucial files, kabilang ang usernames at personal Identification numbers ng vote-counting machines.
Ayon kay Caintic, bagaman itinanggi na ng poll body sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si James Jimenez ang ulat, mahalaga pa rin itong maberipika para sa kapakanan ng mga mamamayan at seguridad ng halalan.
Sakali anyang totoong may mga ninakaw na impormasyon, kailangang magpatupad agad ng mga pagbabago upang matiyak ang patas at malinis na eleksyon sa May 9.
Samantala, nakikipag-ugnayan na si DICT–Cybersecurity Bureau Director Jose Carlos Reyes sa COMELEC.