Kinundena ng Gabriela ang anito’y iligal na pag-aresto at pagkulong sa pitumpu’t isang taong gulang na Australian missionary.
Ayon sa Gabriela, malaking banta laban sa arbitrary arrests ang pag-aresto sa human rights defenders na katulad ni Sister Patricia Fox.
Sinabi ni Gabriela Partylist Representative Emmi de Jesus na ang pag-aresto kay Sister Fox ay maling hakbangin na nagpapatunay na may kalalagyan ang sinumang naniniwala sa human rights.
Si Sister Patricia Fox ay isang missionary sa Sisters of Our Lady of Sion sa loob ng 27 taon.
Matatandaan na kamakailan lang ay sumali si Fox sa isang fact-finding and solidarity mission sa Mindanao na nag-iimbestiga sa umano’y human rights abuses laban sa mga magsasaka at Lumad sa Mindanao.
Sister Patricia Fox, pinalaya na ng Immigration
Pinalaya na ngayong araw ng mga opisyal ng Bureau of Immigration o BI si Sister Patricia Fox matapos na aprubahan ni Commissioner Jaime Morente ang release order sa madre matapos na mapatunayan na mayroon itong valid missionary visa at siya ay isang documented alien.
Sinasabing valid pa ang mga Immigration documents kabilang ang missionary visa ni Fox hanggang Setyembre 9 ngayong taon.
Si Fox ay inakusahan na lumabag sa mga kondisyon sa pananatili nito sa Pilipinas dahil sa pakikisali sa mga umano’y illegal political activities.