Pina-iimbistigahan sa kamara ang di umano’y inipit na calamity fund at mga donasyon ng Office of the Civil Defense o OCD.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez dapat lamang na alamin ang dahilan kung bakit mas minabuti ng OCD na manatili ang mga donasyon sa bangko kaysa itulong ito sa mga nasalanta ng kalamidad.
Batay sa COA report, lumaki na sa halos isang bilyong piso ang quick relief funds hanggang noong katapusan ng 2014.
Ayon sa COA, nakatanggap ng 466 million na foreign at local donation ang NDRRMC o National Disaster Risk Reduction Management Council noong 2008 pa subalit 81 million lamang dito o 17 percent ang ginamit hanggang nitong matapos ang 2014.
Lumabas rin sa COA report na sa 137 million pesos na donasyon matapos ang typhoon Yolanda, halos 39 na milyon lang ang ginamit para matulungan ang mga nasalanta ng bagyo at inipit sa bangko ang natitirang mahigit sa 98 milyong piso.
May nakita rin umano ang mga auditors na donasyong tinanggap pa ng ahensya noong 2013.
Sinabi ng COA na ang mga hindi ginagamit na pondo ay dapat itine turn over sa Bureau of Treasury o kaya ay ibalik sa nag-donate.
By Len Aguirre