Kumikilos na ang Commission on Elections upang tugunan ang problema sa kawalan ng kandidato para sa sangguniang kabataan sa ilang mga barangay.
Ayon kay Director James Jimenez, spokesman ng Comelec, nagsasagawa na sila ng validation kung totoo ang report na maraming barangay ang walang kandidato para sa SK.
Mas kapani-paniwala aniya kung sasabihin na iisa lamang o walang kalaban ang mga kandidato sa isang barangay kumpara sa wala kahit isang kandidato.
Sa panig aniya ng Department of Interior and Local Government, plano nilang buhayin ang Youth Development Council para mangasiwa sa SK ng isang barangay na walang kandidato.
Comelec tiniyak na ilalabas agad ang listahan ng mga kandidato para sa Brgy at SK elections
Tiniyak ng Comelec o Commission on Elections na agad ilalabas ang listahan ng official candidates para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa susunod na linggo.
Ayon kay Director James Jimenez, spokesman ng Comelec, dapat mag-antabay na lang ang mga naghain ng kanilang certificate of candidacy o COC sa anunsyo na ipapaskil ng mga lokal na tanggapan ng Comelec.
Kasalukuyan na aniyang kinakalap ng Comelec Law Office ang lahat ng impormasyon sa halos isang milyong naghain ng kanilang COC upang mailabas ang opisyal na listahan bago ang pagsisimula ng kampanya sa Mayo 4.
Macalintal, duda kung maaaring magtalaga ang DILG ng uupong opisyal ng SK sakaling walang kandidato
Duda si Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer kung maaaring magtalaga ang Department of Interior and Local Government ng uupong opisyal ng Sangguniang Kabataan sa mga barangay na walang kandidato.
Reaksyon ito ni Macalintal sa ulat na may mga barangay na walang kumandidato sa SK election.
Ayon kay Macalintal, tahimik ang batas hinggil sa kawalan ng tumatakbong kandidato sa isang lugar.
Ang tanging isinasaad aniya ng batas ay para sa mga puwesto na nabakante dahil sumakabilang buhay ang nahalal na opisyal o kaya ay nagkaroon ng kapansanan at hindi na kayang manungkulan.