Itinanggi ng Office of Civil Defense (OCD) ang umano’y mishandling ng mga pumapasok na pribadong donasyon sa mga ahensya ng pamahalaan sa gitna ng umiiral ng public health emergency dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay OCD administrator undersecretary Ricardo Jalad, responsibilidad ng ahensya na i-consolidate ang lahat ng donasyon sa national government kaya naman inirereport sa kanila ang lahat ng natatanggap na donasyon ng mga ahensya ng gobyerno.
Ani Jalad, sakop ng kanilang trabaho ang pag-iimbentaryo, maayos na distribusyon at mabilis na pamamahagi ng mga PPE, medical supplies at equipment sa mga ospital at iba pang health facility.
Kasabay nito, itinanggi rin ni Jalad na kasama sa mga binabahaginan ng mga donasyon na tinatanggap ng pamahalaan ang Malasakit Centers ni Senador Bong Go.