Kinuwestyun ni Senator Grace Poe ang tila news blackout sa serye ng kidnapping sa bansa.
Ayon kay Poe, nakababahala na mistulang mga otoridad ang nagpapatupad ng news blackout.
Iginiit ng senador na sa gitna ng takot at pangamba ng publiko sa mga report ng umano’y pagdukot, tila walang naririnig na opisyal at beripikadong impormasyon mula sa PNP.
Dapat anyang beripikahin ng pambansang pulisya maging ng NBI ang mga napapabalitang kaso ng kidnapping.
Aalamin ni Poe sa PNP sa pagdinig ng Senado ngayong araw kung bakit nagkaroon ng news blackout.
Ipinunto ng mambabatas na hindi dapat baliwalain ng PNP ang mga report mula sa mga concerned citizen at mga organisasyon dahil maaaring ang mga dinudukot ay gagamitin sa mas matinding krimen, tulad ng prostitution at human trafficking.
Nakatakdang imbestigahan ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald Dela Rosa ang umano’y serye ng kidnapping sa bansa. — Sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)