Pinagpapaliwanag na ngayon ng Department Of Health ang pamunuan ng Tondo Medical Center sa lungsod ng Maynila.
Ito’y ayon kay Health Secretary Francisco Duque III makaraang masawi ang 13 anyos na si Aldrinne Pineda makaraang tanggalan ito ng kidney ng mga doktor sa nasabing ospital nuong buhay pa ito.
Iginiit ng kalihim na hindi maaaring tanggalan ng alinmang organ sa katawan ang isang tao lalo na ang isang batang katulad ni Pineda nang walang permiso mula sa pamilya o magulang nito.
Bagama’t wala pang detalye ang kalihim sa kaso ni Pineda, sinabi nito na bubuo sila ng fact finding team na mag-iimbestiga rito at aalamin kung may probable cause para kasuhan ang mga gumawa ng umano’y organ removal sa bata.