Binatikos ng dalawang (2) malaking pahayagan sa Amerika si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa anila’y pag-atake nito sa karapatan sa malayang pamamahayag.
Kasunod ito ng pagkansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa rehistro ng online news agency na Rappler dahil sa umano’y paglabag nito sa probisyon ng konstitusyon kaugnay sa foreign ownership sa mga media companies.
Sa magkahiwalay na editorial ng the New York Times at The Wall Street Journal kanilang kinundena ang nasabing desisyon ng SEC.
Ayon sa New York Times, unang hakbang pa lamang ito sa mga ginagawang pag-atake ni Pangulong Duterte laban sa mga lehitimong media na pumupuna sa kanya, pagpapakalat ng ‘fake news’ at paglala ng online harassment sa bansa.
Inihalintulad naman ng The Wall Street Journal ang mga hakbang ng Pangulo para patahimikin ang media, kanyang mga kritiko at kalaban sa pulitika sa mga nangyari noon sa ilalim ng diktaturyang Marcos.
Kanila namang hinimok ang Rappler na ipagpatuloy ang laban kasabay ng pag-apela sa desisyon ng SEC.