Pinaiimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang paratang na namamayagpag muli ang bigtime druglord na si Kerwin Espinosa.
Ito’y kasunod ng mga ulat na patuloy umano ang operasyon ng iligal na droga ni Espinosa sa Pampanga, Cavite, Bulacan, Pasay, at Taguig kahit pa nasa kostudiya ito mismo ng NBI.
Magugunitang ibinunyag ni P/LtC. Jovie Espenido na patuloy pa ring nakapag-ooperate si Espinosa kahit nakakulong ito dahil sa dami ng kaniyang mga galamay sa labas.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, mahigpit ang kaniyang tagubilin sa mga taga-NBI na tutukang maigi ang alegasyon ni Espenido.
Dahil nasa ilalim ng witness protection program (WPP) si Espinosa, sinabi ni Guevarra na tiyak maka-aapekto rito ang bintang ni Espenido sakaling mapatunayang totoo.