Inakusahan ng grupong Migrante ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA nang umano’y pagdadamot ng mga benepisyo sa halos 50 OFW members nito.
Partikular na tinukoy ang mga OFW’s na nasugatan o nakararanas ng life-changing injuries habang nagtatrabaho.
Sa salaysay ni Mic Catuira, Secretary-General ng Migrante, sinabihan umano ito ng OWWA na wala silang makukuhang benepisyo alinsunod sa OWWA Omnibus Policies, isang polisiya na kinukuwestiyon pa rin ng Korte Suprema.
Batay kasi sa naturang polisiya, mandatory o sapilitan dapat ang biennial contribution ng mga OFW’s at maaaring kanselahin ang membership nito sa ahensya sakaling hindi makapagbayad.
Subalit, giit ni Catuira, patuloy ang paggawa ng OWWA ng mga paraan upang madagdagan ang mga bayarin ng OFW’s.
Maituturing umano itong diskriminasyon lalo na sa mga irregular o undocumented OFW’s.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco