Minaliit ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde ang lumabas na ulat ng Global Peace Index 2018 kung saan, pangalawa ang Pilipinas sa least peaceful o pinakamagulong bansa sa Timog Silangang Asya.
Ayon kay Albayalde, posibleng pananaw lamang ng iilang sektor at hindi ng publiko ang sinasabing pagtaas ng krimen at karahasan sa bansa sa ilalim ng war on drugs.
Kung pagbabatayan ang peace and order situation sa Pilipinas, sinabi ni Albayalde na nananatili pa rin namang matahimik at mapayapa sa bansa kaya’t hinikayat nito ang mga pumupuna na magtungo sa bansa para patunayan ito.
Kasunod nito, iginiit ni Albayalde na isolated case lamang ang nangyaring pagpatay sa Asst/Special Prosecutor ng Ombudsman na si Atty. Madonna Joy Tanyag kamakailan.
Magugunitang lumabas sa ulat ng Australian Think Tank na bumaba sa ika-isandaan at tatlumpu’t pito ang ranking ng Pilipinas mula sa dating nasa isandaan at tatlumpu’t anim nuong isang taon.