Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa kamara ang ulat hinggil sa umano’y pagtatapon ng dumi ng tao o human waste sa West Philippine Sea.
Batay sa House Resolution 1961, hiniling ng Makabayan bloc sa liderato ng kamara na atasan ang Committees on Aquaculture and Fisheries at Foreign Affairs para silipin at imbestigahan ang naturang ulat.
Binigyang diin ng Makabayan bloc na tila itinaon ang umano’y pagtatapon ng human waste ng mga barko ng tsina sa karagatang sakop ng Pilipinas sa ika-5 anibersaryo ng pagkapanalo laban sa China sa arbitral tribunal hinggil sa agawan ng teritoryo.
Bunsod ng kawalang respeto anila ng China sa mga likas yaman ng Pilipinas, nangangamba silang maka-apekto ito sa suplay ng pagkain na magreresulta sa malawakang gutom at kawalan ng hanap buhay ng mga Pilipino.