Ipinag-utos na ng Manila City Engineering Office ang pagpapatigil sa konstruksyon at paghuhukay sa loob ng San Juan compound na umano’y pagtatayuan ng sabungan.
Ipinabatid ni Manila City Engineer Armand Andres na nag-isyu na siya ng notice para ipatigil ang konstruksyon dahil wala itong building permit.
May paskil naman sa labas ng compound na nagsasabing hindi sabungan kundi isang basketball court ang itatayo rito.
Protesta
Kaugnay nito, iprinotesta ng mga pari, estudyante at iba pang taga-parokya ng Sta. Ana Church ang umano’y itatayong sabungan sa kanilang lugar.
Ang mga protester ay nag martsa mula sa Parish of our Lady of the Abandoned patungong construction site na hindi kalayuan sa simbahan.
Iginiit ni Father Willy Benito na kuwestyonable ang konstruksyon dahil wala itong building permit at maging permit mula sa national museum.
Bukod dito, binigyang diin ni Benito na bawal ang pagtatayo ng kung anong gusali sa loob ng 20 meters mula sa simbahan dahil isang national heritage ang bahaging ito ng Sta. Ana kaya’t kailangan din aniya ng kaukulang permiso mula sa simbahan.
By Judith Larino