Mahigpit na itinanggi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang napaulat na nagtungo sa nasabing lungsod ang dalawang nagpositibo sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Sa katunayan, ipinabatid sa DWIZ ni Magalong na nagpulong pa sila kasama ang kanilang task force gayundin ang Department of Health (DOH) at walang nabanggit sa kanilang report hinggil sa mga nasabing dayuhan na umano’y nagtungo sa Baguio City.
Wala po kaming nakuhang impormasyon na ganyan, dahil po nagmeeting lang po kami ng aming task force –nagkaroon po kami ng comprehensive briefing coming from the Department of Health, wala naman pong nabanggit sa amin na nagpunta ‘yung mga dalawang infected ng coronavirus, na nagpunta sila sa Baguio,” ani Magalong.
Kasabay nito, nilinaw ni Magalong na wala rin silang ipinatutupad na lockdown sa buong lungsod sa gitna ng ‘nCoV scare’.
Iginiit ni Magalong na walang biktima ng 2019 nCoV-ARD sa lungsod. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas