Pinaiimbestigahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang umano’y pang-aabuso sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Jeddah.
Batay sa inilabas na pahayag ng DOLE, inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na imbestigahan ang ulat na isinumite ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Jeddah.
Kabilang dito ang umano’y insidente ng panghahalay sa isang 22-year-old na OFW ng kinatawan ng isang recruitment agency.
Ayon kay Labor Ambassador Nasser Munder, apat na kasambahay ang sapilitang pinagtatrabaho nang mahigit sa 10 oras sa magkakaibang bahay habang pinagbabayad pa sila ng dalawa pang oras na pagtatrabaho sa bahay ng kanilang mga employer.
Sangkot umano sa magkaparehong kaso ang Saudi Recruitment Agency, Madal Al Kharj Recruitment Agency at Philippine Recruitment Agency i-employ manpower services na pawang inirerekomenda ni Munder na kanselahin at suspindihin muna ang kanilang lisensya.
Samantala, tiniyak naman ni Bello na makatatanggap ng karampatang tulong ang mga OFW mula sa POLO at POEA.