Ibinunyag ng NDFP o National Democratic Front of the Philippines ang ‘di umano’y planong pagpatay kay Communist Leader Jose Maria Sison at pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang statement na nasa website ng NDFP, nasasaad na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa planong ito ng CIA o Central Intelligence Agency ng Amerika.
Isang team ‘di umano ng mga sundalo na assets ng CIA at malapit kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Año ang ipadadala sa Netherlands para patayin si Joma Sison.
Sinasabing may basbas ‘di umano ito ng Pangulong Duterte at ni Año at nakatakdang isagawa bago ideklara ang martial law sa buong Pilipinas.
Pangalawa ‘di umano sa plano ang pagpapatalsik kay Pangulong Duterte.
Bunga ‘di umano ito ng matagal nang pakikipag-alyansa ng Pangulo sa mga komunistang grupo at pagtraydor sa alyansa ng Pilipinas sa Amerika sa pamamagitan ng pagiging malapit sa China at Russia.
Aminado ang NDFP na kailangan pang i-beripika ang mga nakuha nilang impormasyon subalit importante anilang ibinubunyag na ito sa publiko upang mapigilan ang implementasyon ng plano.
Propaganda lang – AFP
Propaganda lamang ng mga komunista ang nabunyag na ‘di umano’y planong pagpatay kay NDF Founding Chairman Jose Maria Sison at pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla Jr, spokesman ng AFP, layon lamang ng mga komunista na mabawi ang nawawala nang simpatiya ng publiko.
Normal rin anyang ginagawa ito ng mga komunista para panindigan ang kanilang pagiging kontra sa Estados Unidos.