Itinuturing ng Malakanyang na kathang-isip lamang ng oposisyon ang pinalulutang na political uncertainty sa bansa na posible umanong magtaboy sa mga investor o mamumuhunan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, tila kabaliktaran pa aniya ang mga nangyayari ngayon sa Pilipinas dahil mas matatag ang sitwasyon ng bansa sa kasalukuyan kumpara sa nakalipas na panahon.
Kung talagang takot aniya ang mga investors, sinabi ni Andanar na dapat pagbatayan ang ulat Philippine Stock Exchange Index o PSEI na nagsasaad ng masigla at matatag na ekonomiya ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Andanar, patunay aniya dito ang pangako ng Japan na siyam na bilyong pisong grant sa Pilipinas dahil sa pagtitiwala nito sa sitwasyon ng bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.