Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na kanilang iginagalang ang karapatan ng bawat tao lalong lalo na ang karapatan ng mga babae at kabataan.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa sa harap ng mga ulat hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng ilang pulis sa tinaguriang “sex for pass”.
Batay sa ulat, may isang pulis umano na naka-assign sa quarantine checkpoint na nagtutungo umano sa bahay ng isang sex worker para duon magparaos habang naka-lockdown.
Gayunman, sinabi ni Gamboa na wala pang natatanggap na anumang reklamo ang pnp hinggil sa naturang usapin kaya’t maituturing na tsismis lamang ito
Subalit kung totoo man, hinimok ni Gamboa ang umano’y biktima na lumantad at magsampa ng reklamo laban sa pulis na nang-abuso sa kaniya upang mapanagot at masampahan ng kaukulang kaso.
Kasunod nito, sinabi ni Gamboa na hindi naman patas para sa mga pulis na akusahan o husgahan sa kabuuan ang kanilang organisasyon dahil sa pagkakamali ng iilan lalo’t marami sa kanila ang nagbubuwis ng buhay para sa kaligtasan ng lahat.