Hindi lamang tanda ng desperasyon kundi nang pagiging ganid din at sagad sa butong kasamaan ng ilang Pilipino ang napaulat na vaccine at slot for sale.
Binigyang diin ito ni Senador Panfilo Lacson dahil walang pinipiling panahon at sitwasyon ang mga nagsasamantala pa para magpayaman.
Iginiit ni Lacson na habang maraming nagugutom dahil sa pandemya, may mga bago namang naging bilyonaryo na ang gamit na kapital ay kasakiman sa gitna nang pinakamatinding nararanasang health crisis.
Dapat aniyang arestuhin at kasuhan ang mga sangkot sa vaccine at slot for sale.
Kasabay nito, isinusulong ni Lacson ang mas mabilis at maayos na proseso nang pagbabakuna at maraming doktor ang nagsasabing alisin na ang pre-screening na nagpapatagal sa pagbabakuna bagamat dapat aniyang panatilihin ang 15-minute post vaccination monitoring bilang bahagi ng health protocols.
Sinabi pa ni Lacson nna mayroon namang form kung saan makikita ang pangalan ng mga babakunahan na may isyung pangkalusugan tulad ng hypertension at allergies kaya bakit pa sila kailangang kunan ng blood pressure. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)