Hindi umano masyadong mararamdaman ng mga maliliit na empleyado ng gobyerno ang itinutulak na umento sa sahod ng mga ito.
Ginawa ni Gabriela Partylist Representative Luz Ilagan ang pahayag matapos lumusot sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 6268 o Salary Standardization Law o SSL 2015.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Ilagan na kung titingnan kasi ang panukalang batas ay napakaliit lamang ng salary increase ng mga manggagawang mababa ang ranggo.
“Kung san ang mataas na posisyon, ang laki ng increase, bakit yung dati nang malaki ang mga suweldo, sila pa ngayon ang magkakaroon ng mataas na suweldo, yung maliliit na nasa mababang level na yun naman ang tinatarget natin na magkaroon naman ng karagdagang sahod ay yun naman ang kakarampot.” Ani Ilagan.
Magkaroon man aniya ng dagdag ang mga simpleng empleyado sa gobyerno ay kakainin naman ito ng ipinapataw na income tax.
“Ang gusto natin, yung takehome pay na talagang masasabi nating mararamdaman ng empleyado na nagkaroon ng increase.” Pahayag ni Ilagan.
SSL
Una rito ay inaprubahan ng Kamara sa third at final reading ang panukalang Salary Standardization Law 2015 o House Bill 6268 sa botong 170-5 at isang abstention, isang buwan matapos aprubahan sa 2nd reading.
Sa ilalim ng SSL 2015, magkakaroon ng standardized salary increases ang mga government worker sa apat na bahagi mula 2016 hanggang 2019.
Kabilang naman sa mga bumoto kontra sa bill ay sina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist, Fernando Hicap ng Anakpawis Partylist, Luz Ilagan ng Gabriela at Jonathan dela Cruz ng ABAKADA.
Samantala, nag-abstain si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon sa pagboto bunsod ng conflict of interest.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Drew Nacino