Nakatakda na ding humirit ng umento sa sahod ang mga manggagawa sakaling maging sobra – sobra na ang epekto ng ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Union – Trade Union Congress of the Philippines (ALU – TUCP), tiyak na ang mga manggagawa aniya ang una sa mga tatamaan ng epekto ng TRAIN Law.
Bunsod aniya ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin kabilang na ang mga matatamis na inumin at iba pang pangunahing bilihin dulot naman ng pagtataas sa presyo ng langis dahil sa excise tax dito.
Para naman kay Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) President Leody De Guzman, malinaw na hindi ang mga mahihirap ang makikinabang sa TRAIN kung hindi ang mga kapitalista na ipapasa lamang sa taumbayan ang kanilang obligasyon.
Una nang tiniyak ng Bureau of Internal Revenue o BIR na pakikinabangan ng mga manggagawa ang ipinasang TRAIN Law dahil sa maraming hindi na papatawan ng buwis at inaasahang tataas na rin ang kanilang take home pay.