Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang umento sa sahod ng mga kasambahay o household helpers sa Cordillera, Ilocos at Western Visayas simula ngayong Mayo.
Sa Cordillera Autonomous Region (CAR), inaprubahan ng NWPC ang P1,000 taas sa minimum wage sa mga kasambahay na nagtatrabaho sa mga lungsod at first class municipalities at P500 naman sa iba pang lugar.
Nangangahulugan ito ng P4,000 minimum wage para sa mga kasambahay sa Baguio city at La Trinidad sa susunod na buwan mula sa kasalukuyang P3,000 piso.
Samantala, P1,000 naman ang ibinigay na umento sa minimum na sahod ng mga kasambahay sa region 1 at P500 sa region 6 o Western Visayas.
Paliwanag ni NWPC Executive Director Criselda Sy, ang paglalagay ng minimum wage para sa mga kasambahay ay isang uri rin ng proteksyon para hindi na bumaba pa sa itinakda ang ibibigay na sahod sa mga ito.