Nakatakdang magsagawa ng pagdinig sa Mayo a-10 ang senado kaugnay sa hirit na dagdag-sahod para sa mgamanggagawa.
Kasunod ito ng Senate Resolution no. 476 na isinusulong ni Senator Raffy Tulfo kung saan, ipatatawag ang lahat ng Regional Tripartite Wages Board at mga stakeholder ng labor sector.
Iimbitahan ding dumalo sa pagdinig ang Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry upang dinggin ang panawagan ng mga manggagawa na magkaroon ng dagdag sa kanilang suweldo.
Kinilala naman ni Senator Tulfo bilang mga bayani ang mga manggagawang Pilipino na patuloy na nagsasakripisyo at nag-aambag sa bansa upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Matatandaang sa naging pahayag ng research group na Ibon Foundation, apektado ng inflation ang sahod ng mga manggagawa na nangangailangan ng halos 1,200 pesos kada araw upang mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang miyembro.
Sa kabila nito, patuloy na umaasa ang mga manggagawa na maaaprubahan ang kanilang hiling upang mabawasan ang mabigat na gastusin dahil sa mahal na bilihin.