Inihayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na posibleng panandalian lang mararamdaman ng mga manggagawa ang umento sa kanilang sahod sa Metro Manila at Western Visayas.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP, ito ay dahil sa muling pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Sinabi ni Tanjusay na hindi parin maibabalik ang purchasing power o ang kakayahang bumili ng mga manggagawa hinggil sa umento sa sahod dahil hindi umano ikinunsidera ng Regional Wage Boards ang 4.9% na inflation rate noong nakaraang buwan maging ang inaasahang 5.5% na inflation rate para naman sa buwan ng Hunyo.
Sa kabila nito, hindi parin i-aapela ng naturang grupo ang rekomendasyon ng Regional Wage Boards pero kanilang isusulong ang amiyenda sa Wage Rationalization Act.
Hindi kasi maaring maghain ng panibagong petisyon ang TUCP para sa umento sa sahod sa loob ng isang taon.