Tinatalakay na ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board kung kinakailangan nang itaas ang suweldo ng mga manggagawa
Ito’y para maibsan ang epekto ng pagsipa sa presyo ng mga pangunahing bilihin na lalong nagpapabigat sa pasanin ng mga Pilipino.
Batay sa petisyong inihain ng ALU-TUCP o Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines, 320 Piso ang kanilang isinusulong na umento sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Una nang nagbabala ang Department of Trade and Industry na posibleng magkaroon ng masamang epekto sa ekonomiya ng bansa ang panukalang umento sa sahod.
Pero ayon sa National Wages and Productivity Commission, pinakikinggan nila ang punto ng mga economic managers at ng mga manggagawa.
Giit naman ng mga labor group, maliban sa umento sa sahod, panahon na rin para ikunsidera ang nationwide wage hike upang maging pantay-pantay na ang inuuwing sahod ng mga obrero.