Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment o DOLE – NCR ang mga pribadong kumpanya sa Metro Manila na dapat tumalima sa kautusan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Kaugnay ito sa P10 dagdag suweldo sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa kalakhang Maynila epektibo bukas, Hunyo 2.
Batay sa Wage Order Number 20, bukod ang dagdag na P10 bilang Cost of Living Allowance sa naunang P15 inaprubahang COLA na isasama na sa kasalukuyang basic wage.
Dahil dito, mula sa P481 na minimum basic wage ng mga manggagawa sa Metro Manila, magiging P491 na kada araw ang dapat na matanggap na arawang sahod.
Gayunman, sinabi ng DOLE na hindi kasama sa dagdag suweldo ang mga kasambahay, nasa personal services tulad ng family driver at mga manggagawa sa registered barangay micro-business enterprises.
By Jaymark Dagala