Nanawagan si Senadora Nancy Binay sa pamahalaan at local government units (LGU’s) gayundin sa mga may-ari ng poultry farm na magkasa ng bio-security measures.
Ito’y ayon kay Binay ay upang maiwasan ang pagkalat ng avian bird flu virus gayundin ang posibleng transmission o paglilipat nito sa tao.
Kabilang sa mga dapat isagawa sa ilalim ng bio-security plan ay ang isolation sa mga kontaminadong manok gayundin ang sanitation at disinfection sa mga lugar na apektado ng virus.
Kasunod nito, hinimok din ni Binay sa Department of Agriculture (DA) na isama rin sa mga isasailalim sa bio-security measures ang mga backyard para sa mga manok na panabong gayundin ang mga sabungan.
Samantala, hinimok ni Senadora Nancy Binay ang Department of Agriculture na repasuhin ang umiiral na bio-security plan.
Kasunod nito, sinabi ni Binay na dapat paigtingin din ng kagawaran ang pagpapakalat ng edukasyon at impormasyon sa publiko hinggil sa epekto ng naturang virus.
Kailangan ding maipabatid sa publiko ang sintomas ng nasabing virus sakaling mapunta sa tao at kung anu-ano ang mga paraan upang malabanan ito.
Mga nagtitinda ng manok sa QC apektado ng bird flu outbreak
Umaaray na ang mga tindera ng manok sa ilang pamilihan sa lungsod ng Quezon bunsod ng pananalasa ng bird flu outbreak sa Pampanga.
Ayon sa ilang tinderang nakapanayam ng DTI o Department of Trade and Industry sa kanilang paglilibot, dalawang linggo na umanong matumal ang bentahan ng manok sa kanilang pamilihan.
Handa umanong ibagsak ng tinderang si Ludy Gonzaga sa P120.00 ang kaniyang panindang manok mula sa orihinal na presyo nito na P150.00.
Maliban sa mga palengke, sinuyod din ng DTI ang isang supermarket sa Quezon City kung saan, napansing nakapako sa P135.00 ang presyo sa kada kilo ng sariwang manok.
Gayunman, inamin ng ilang tauhan ng nasabing supermarket na naging mausisa ang mga mamimili hinggil sa pinagmulan ng kanilang paninda.