Hindi maaaring pilitin ang isa sa mga complainant laban sa mga illegal recruiters ni Mary Jane Veloso para ituloy ang reklamo laban sa mga akusado.
Ito ang sinabi sa DWIZ ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta matapos umatras ang isa mga nagreklamo laban kina Maria Kristina Sergio at Julius Lacanilao.
Giit ni Acosta, sinasabing natatakot lamang ang isa sa mga complainant na makasuhan sakaling tumestigo laban sa mga umano’y illegal recruiters.
“Ang nangyari nga ay wala namang pera silang ibinigay diumano dito kay Sergio at kay Lacanilao at parang salita lang na makapagtrabaho abroad, ‘yun nga ang depensa namin, dahil ang batas sa illegal recruitment may provisor eh, provided na there is fee paid by the applicant, whether kumita o hindi ‘yung recruiter.” Paliwanag ni Acosta.
Una rito, iniurong nga ng isa sa mga biktima umano ng recruiters ni Mary Jane Veloso ang reklamo laban sa mga ito.
Ayon kay PAO Lawyer Howard Areza, nagsabi si Anna Marie Gonzales na hindi na siya interesadong isulong pa ang large scale illegal recruitment case laban kay Maria Cristina Sergio at live in partner nitong si Julius Lacanilao.
Ang nasabing hakbang ni Gonzales ay itinuturing na setback sa mga pagkilos na isalba pa ang buhay ni Veloso mula sa death sentence sa Indonesia.
Ipinabatid ni Areza ang pahayag sa kanila ni Gonzales na walang pumilit dito para iurong ang kaso at sa katunayan ay siya pa ang tila naisahan ng pamilya ni Veloso.
Dinala aniya siya sa NBI sa Cabanatuan para gumawa ng salaysay laban kay Sergio gayung ang unang sinabi sa kaniya ay dadalo lamang sa misa sa bahay ng mga Veloso kung saan may nagra-rally noong mga panahong yan.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit | Judith Larino