Pinayuhan ng Palasyo ang UN Human Rights Office (OHCHR) na kumalma matapos na umano’y kilabutan ito sa pagkakamatay ng ilang mga aktibista sa CALABARZON.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi na dapat na mag-alala pa ang sinuman lalo pa’t gumugulong na ang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Dagdag pa ni Roque na hindi kailanman kinukunsinti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpatay o anumang uri ng pang-aabuso.
Giit pa ni Roque, malinaw na iniutos ng pangulo sa mga kawani ng ating sandatahan na huwag mag-atubiling depensahan ang kanilang mga sarili lalo na kung armado ang kanilang mga kalaban.
Nauna rito, sinabi ni Ravina Shamdasani, tagapagsalita ng UN Human Rights Office na labis na nag-aalala ang kanilang hanay dahil sa aniya’y karahasan, pananakot at red tagging sa umano’y mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.