Ikinababahala ng Joint United Nations Programme on HIV-AIDS ang tumataas na bilang ng mga nasasawi dahil sa AIDS at pawang kalalakihan ang mga ito.
Sa kabila ito ng regular na pagpapa-HIV test at access sa antiretroviral therapy.
Ayon sa UNAIDS, mas maagap ang mga kababaihan na sumailalim kaagad sa gamutan taliwas sa grupo ng mga kalalakihan na kadalasan ay hindi na rin nagpa-follow up.
Batay sa pag-aaral ng UNAIDS, aabot sa 36.7 million ang bilang ng may HIV sa buong mundo noong 2016 subalit wala pang 21 million ang mayroong access sa naturang therapy.
Samantala, isang milyon naman ang nasawi sa AIDS noong isang taon at tinatayang 1.8 million ang mga bagong kasong naitala sa parehong taon.
Sinabi ni UNAIDS Director Michel Sidibe na mauuwi sa wala ang kanilang kampanya kontra AIDS hanggang 2030 kung hindi mag-iingat sa kanilang pakikipagtalik ang publiko.
Sinasabing hindi gumagamit ng condom ang maraming nakikipagtalik sa Amerika, Europa at Australia.
—-