Binalaan ng United Nations (UN) ang China at iba pang bansa sa Asya sa umano’y paggamit sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis bilang dahilan para patahimikin o patigilin ang mamamayan sa malaya nitong pagpapahayag ng saloobin.
Ayon kay UN Rights Chief Michelle Bachelet, nakababahala ang ginagawa ng pamahalaan sa iba’t ibang bansa sa Asya sa mga mamamayang pumupuna o tumutuligsa sa paraan ng pagresponde ng kanilang gobyerno sa COVID-19.
Ilan aniya sa mga ito ay inaaresto at ikinukulong kahit pa ang mga indibiwal na simpleng nagpahayag lamang ng impormasyon o pananaw hinggil sa pandemya.
Partikular umanong napaulat ang mga pag-aresto dahil lamang sa pagbatikos o umano’y pagpapakalat ng maling balita sa social media sa bansang China, India, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Nepal, Pilipinas, Sri Lanka, Thailand at Vietnam.
Sinabi ni Bachelet na alam niya ang pangangailangan sa paghihigpit ukol sa pagpapakalat ng maling impormasyon dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng publiko.
Ngunit aniya hindi rin naman ito dapat mauwi sa pwersahang pagpapatahimik sa mamamayan sa pamumuna kapag may nakikita nang mali.