Daan-daang libong katao na ang apektado ng airstrikes sa mga ospital sa Syria.
Ito ang ipinabatid ng United Nations (UN) kasabay ng pagkondena sa panibagong serye ng airstrikes sa mga medical center sa nasabing bansa sa lugar na pinamumugaran ng mga rebelde kung saan aabot na sa 50,000 katao ang apektado.
Nangangamba si UN Regional Coordinator for the Syria crisis, Panos Moumtzis na kung magpapatuloy ang pag-atake sa mga ospital ay mas dadami pa ang mga sibilyang mapagkakaitan ng karapatan sa kanilang kalusugan at posibleng mag-resulta pa sa mas malalang problema.
Patuloy na iginigiit ng Syrian government at Russian air power na tanging mga rebelde ang target ng kanilang airstrikes at hindi mga sibilyan sa halos 7 taong giyera kontra mga rebelde.
Nitong Lunes lamang ay dalawang airstrikes ang sumira sa Owdai Hospital sa Saraqib City kung saan 5 katao ang nasawi kabilang ang isang bata at 6 na iba pa ang nasugatan.
By Aiza Rendon