Pormal nang inimbitahan ng Malacañang ang isang United Nations special rapporteur na magtungo sa Pilipinas para imbestigahan ang mga nagaganap na umano’y extrajudicial killings.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, nagpadala na ang Palasyo ng ‘invitation’ kay UN Special Rapporteur Agnes Callamard at hinihintay na lamang nila ang tugon nito.
Batay sa imbitasyon, hinimok ng Malacañang ang UN Rapporteur na busisiin din ang pagkamatay ng mga pulis na kagagawan ng mga drug suspects upang magkaroon ito ng “accurate perspective” hinggil sa talamak na drug problem sa bansa.
Nilinaw naman ni Medialdea na para lamang kay Callamard ang naturang invitation.
Matatandaang hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si US President Barack Obama at gayundin ang mga kinatawan ng European Union na bumisita sa bansa at gumawa ng sariling pagsisiyasat sa halip na batikusin siya sa publiko.
By Jelbert Perdez
Photo Credit: Malacañang Photo Bureau