Nanawagan ang mga human rights expert sa pamahalaan na payagan ang online news site na Rappler na ipagpatuloy ang operasyon nito sa kabila ng pagiging kritiko ng administrasyong Duterte.
Ginawa ang naturang pahayag nila United Nations (UN) Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions Agnes Callamard, Special Rapporteur on The Right to Freedom of Opinion and Expression at Special Rapporteur on Human Rights Defenders Michel Frost.
Ayon sa mga ito, nababahala sila sa ginawang hakbang ng administrasyon na bawiin ang lisensya nito na tila isang uri ng pagpapatahimik sa mga kritiko at pagpapatigil sa malayang pamamahayag.
Magugunitang binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang lisensya ng Rappler dahil sa paglabag nito sa Foreign Ownership Clause na nakasaad sa 1987 Constitution.
Handa naman ang online news site na Rappler na dalhin sa Korte Suprema ang kanilang laban makaraang ipag-utos ng SEC ang kanselasyon sa kanilang rehistro.
Ayon sa mamamahayag at Chief Executive Officer(CEO) ng Rappler na si Maria Ressa, nanindigan silang mali ang naging desisyon ng SEC na tanggalan sila ng lisensya dahil sa isyu ng foreign ownership.