Handa ang United Nations na suportahan ang pamahalaan ng pilipinas sa pagtugon nito sa bagyong Odette.
Ito ang tiniyak ni UN–Philippines Country Representative Gustavo Gonzales.
Sa katunayan anya ay nagpulong na ang Philippines Humanitarian Country Team, na binubuo ng international at national non-government organizations, private sector at International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies.
Ayon kay Gonzales, mino-monitor na nila ang sitwasyon at inihanda na rin ang kanilang humanitarian support sa pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Pilipinas.
Sa panig naman ng UN–Children’s Fund, handa itong mamahagi ng mga suplay at manawagan sa kanilang partners para sa mas maraming emergency supplies.
Inihayag ni UNICEF Philippines Representative Oyun Dendevnorov na nangangamba sila para sa mga bata at pamilyang apektado ng bagyo kaya’t handa rin silang magpaabot ng tulong.