Duda ang United Nationalist Alliance o UNA sa plano ng Commission on Audit o COA na imbestigahan ang transaksyon ng Office of the Vice President simula noong 2011 hanggang 2014.
Tungkol ito sa halos P95 milyong pisong pondo na ginamit ng OVP sa pagbili anila ng relief goods para sa mga biktima ng kalamidad.
Kaya lang ayon sa COA, hindi nakalagay ang pangalan ng pinagbilhan ng suplay ng OVP na kailangan anila upang matiyak na ligtas ang mga relief goods na maibibigay sa komunidad.
Bukod dito, sinabi rin ng COA na wala ring business permit ang mga dokumentong ipinasa ng OVP sa kanila.
Ibig sabihin, hindi anila sumunod ang OVP sa panuntunan sa pagbili ng mga suplay lalo’t may karapatan naman anila ang ahensya na tanggihan ang mga dokumentong ipinasa sa kanila kung hindi ito kumpleto.
Pero para kay UNA Secretary General JV Bautista, bahagi lamang ang planong ito ng demolition campaign ng COA laban sa kanilang standard bearer na si Vice President Jejomar Binay.
Dahil dito, nanawagan din si Bautista kay COA Chairman Michael Aguinaldo na mag-leave sa puwesto.
By Allan Francisco